Thursday, March 12, 2009

Karupukan

Sa tuwing ako'y nag-iisa, hindi nawawala sa akin ang mag-isip at magmuni-muni kung bakit ako nagkaganito.

Hindi ko naman ginusto na magkagusto sa kapwa ko. Noong bata ako, babae naman ang aking hinahangaan. Nanliligaw pa nga ako noong ako ay nasa elementarya. Hindi ko na din mabilang kung ilang babae na din ang aking hinangaan at nilandi. Subalit sa aking pagtanda, laking gulat ko na lang na nagkagusto ako sa kapwa ko lalake. At humantong pa ito sa pakikipagrelasyon!

Ilang artikulo na din ang aking nabasa ukol sa pagkakaroon ng pagtingin ng lalake sa kapwa lalake. Mayroong mga nagsasabi na ito'y marahil sa genes at may iba naman na nagsasabi na ito'y maaaring impluwensiya ng lipunang kinalakihan ng isang tao. Sa aming pamilya, marahil ay dalawa kami ng pinsan ko na ganito ang sitwasyon. Ang kaibahan lang namin, siya ay out sa aming lahat samantalang ako ay nagtatago pa din sa madilim na silid.

Ilang taon na din akong nagtatago sa karimlan na ito. Wala akong lakas ng loob na sabihin sa aking pamilya at malalapit na kaibigan ang aking kalagayan. Hindi ko kasi alam kung tatanggapin nila kung ano ako. Takot pa din ako sa rejection na maaari kong matamo kung ako ay tuluyang lalabas sa dilim. Alam ko na naghihinala na din ang aking mga magulang dahil sa edad ko na ito ay hindi pa din ako lumalagay sa tahimik.Sa katunayan ay may pagkakataon sa nakaraan na kinausap ako ng aking ama subalit todo tanggi ako sa kanyang mga tanong. Subalit sabi nga ng isa kong malapit na kaibigan, alam ng mga magulang nating kung ano tayo subalit 'di lamang sila kumikibo.

Hay!Kung bakit naman kasi ako humantong sa ganitong sitwasyon! Pero Wala naman akong sinisisi kung bakit nagkaganito ang aking sekswalidad pero minsan nahihirapan na din ako.

Nahihirapan ako magtago, nahihirapan ako na makipagrelasyon at higit sa lahat, nagsasawa na ako sa mga karnal na pagnanasana ipinapakita sa akin ng mga tao sa aking paligid! Minsan tuloy, tinatawag na akong pokpok ng mga PLU na kakilala ko.

May isa akong kakilala na nagsabi na kapag ikaw ay nagsimula sa ganitong uri ng pamumuhay, hinding hindi mo na ito maaaring talikuran. Tama ang sinabi niya sapagkat minsan ko nang tinalikuran ang ganitong buhay subalit bumalik pa din ako matapos masaktan ng isang babaeng akala ko'y makakasama ko habambuhay.

Pero eto na naman ako, sabi ko sa isang kaibigan, bibigyan ko ang aking sarili hanggang Mayo upang mamuhay ng ganito. Pagdating ng Hunyo ay susubukan kong maging straight. Kumbaga, kakalimutan ko ang paglalandi sa kapwa lalaki. Babalik ako sa panliligaw ng babae at magpaplano ng buhay na mayroong asawa at mga anak. Alam ko na mahirap ito gawin dahil ito'y isang 360 degree turn mula sa aking buhay ngayon. Subalit kung nanaisin ko talaga na magbago, marahil ay hindi ito imposible.

Tao ako, marupok, madaling matukso at manghina lalo na't kung mayroong mga pagsubok na kinakaharap. Alam ko na mahirap pangatawanan ang nais kongmangyari sa aking buhay subalit sinisikap ko pa din na ito ay tuparin kahit mahirap. Hindi naman siguro masama ang sumubok.
Abangan ang susunod na kabanata...

2 comments:

Gram Math said...

i remember way back in elementary and highschool that i used to send love letters to girls. sometimes i draw them cartoon characters. but there are times that i like boys too before until now that i prefer boys rather than girls.

Bloiggster said...

mahirap maconfuse gram math