Mahigit isang buwan na ang nakakalipas nang ako ay nagpaalam sa isang grupo ng mga kaibigan. Isang pansamantalang pamamaalam dahil kinakailangan kong magtrabaho sa ibayong dagat.
Sa aking paglisan, isang munting alaala ang kanilang iniwan sa akin. Isang pair of training gloves na aking maaaring gamitin sa paggygym. Alam kasi ng mga taong ito kung gaano ako ka-adik sa gym. Subalit tulad ng nabanggit ko sa kanila noon, hindi ako gumagamit ng gloves sa gym kahit kalyuhin pa ako. Ano na nga ba ang nangyari sa training gloves na binigay nila sa akin?
___________________________________________
Dahilan na din sa kalayuan ng Fitness First at napakalalang sitwasyon ng trapiko dito sa Jakarta, bihira na ako makatungo sa gym. Sa katunayan, ang aking international passport ay 8 pa lamang ang tatak, ibig sabihin, sa loob ng mahigit isang buwan na pamamalagi sa Indonesia ay 8 beses pa lang ako nakapag-gym. Tuwirang salungat noong ako ay nasa Pilipinas na halos araw araw ay laman ako ng iba't ibang branch ng FF.
Noong Huwebes, habang naghahanda ako sa pagpunta sa gym, binuksan ko ang isang drawer sa mesa dito sa aking silid. Sa aking pagbukas ay nakita ko ang training gloves na bigay sa akin ng mga kaibigan ko. Oo nga pala, binigay nila sa akin iyon para gamitin. At dahil hindi ako sanay gumamit ng gloves sa gym, madalas kong nakakalimutan na may gloves pala ako.
Subalit noong Huwebes ay nagdesisyon ako na gumamit ng gloves. Nung ako ay nasa gym na, ang bawat buhat ko ng bakal ay naramdaman ko na kasama ko ang aking mga kaibigan. Bagaman malalayo sila sa akin ay alam ko na ang presensya nila ay nakapaloob sa mga training gloves na yaon. Para sa akin, ang regalong ito ang sumisimbolo ngayon ng aking pakikipagkaibigan sa mga engkanto. Ito ang pisikal na bagay na siyang nagpapalapit sa kanila sa akin habang ako ay nasa malayong lugar. Ito ang pisikal na koneksyon ko sa kanila ngayon.
Tulad ng kahit anong samahan, hindi naging perpekto ang samahan ng aming grupo. Nagkaroon ng away at di pagkakaunawaan subalit sa huli ay namamayani pa din ang pagkakaibigan.
Sa mga engkanto, maraming salamat sa regalo ng pakikipagkaibigan. Nawa'y patuloy pang lumalim ang samahan sa grupo. Kahit na ako'y nasa mas malayong lugar ngayon, makakaasa kayo na parati kayong nasa aking alaala.
I MISS YOU GUYS!
3 comments:
titaretski. i miss you so so so much rin. pati si dada rain at papa raphael. kumusta na kaya ang mga talanding baklita.
Lagi ka pa rin namin pinaguusapan sa inuman parekoy. Ehehe see you when we see you.
tagal ko na d nakabisita sa gym. tnx at naremind ako.
Post a Comment